Inamin ng isa sa mga misyonaryong madre sa Indonesia mula sa Pilipinas na si Sister Rutchene Cabugos na apektado pa rin ang ilang byahe doon, ilang araw matapos ang pagsabog ng Mt. Lewotobi Laki-laki sa silangang bahagi ng naturang bansa.
Matatandaang matapos ang main eruption, nasa 50 ulit pa itong nagbuga ng abo at volcanic materials.
Ayon kay Sister Cabugos sa panayam ng Bombo Radyo, ang pagbuga ng makapal na abo ay umabot ng mahigit 1,000 metro sa himpapawid.
Dahil dito, isinara ang Frans Seda Airport sa Maumere at inilikas ang mahigit 10,000 residente mula sa mga kalapit na nayon.
Ang good news na lang umano ay walang naitalang casualty sa pangyayari.
Nananatili sa Level 4 ang alert level, ang pinakamataas sa Indonesia, kaya’t ipinapatupad ang 7-kilometrong exclusion zone sa paligid ng bunganga ng bulkan.
Apektado rin ang mga pananim, kabahayan, at kabuhayan ng mga residente dahil sa makapal na ashfall.
Pinayuhan ang mga tao na magsuot ng mask upang maiwasan ang respiratory infections.
Nakikipagtulungan ang National Disaster Management Agency (BNPB) ng Indonesia sa mga lokal na otoridad para sa relief operations.