MANILA – Kung si Vice President Leni Robredo raw ang tatanungin, dapat aminin ng pamahalaan kung gaano kalaki ang hinaharap na problema ng bansa dahil sa pandemya ng coronavirus.
Pahayag ito ng pangalawang pangulo matapos maitala ng bansa ang isa sa pinakamataas na bilang ng bagong kaso ng COVID-19 kahapon, March 19.
“7,103 cases today. Highest since the pandemic started… first step in keeping our acts together is to acknowledge how big a problem we have,” ani Robredo sa isang online post.
Inilarawan ng pangalawang pangulo kung gaano kalala ang sitwasyon ngayon ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga datos ng Financial Times sa Amerika at IBON Foundation.
“We have the worst trajectory of the number of new covid cases and worst economic performance compared to our neighbors. All figures definitely not mine.”
7,103 cases today. Highest since the pandemic started. We have the worst trajectory of the number of new covid cases…
Posted by Leni Gerona Robredo on Friday, March 19, 2021
Kamakailan nang tila maliitin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pandemya, isang taon mula nang isailalim ang Pilipinas sa lockdown.
Pero agad itong dinepensahan ng Malacanang at sinabing nais daw ipahayag ng presidente na temporaryo lang pandemya.
“Maliit na bagay ito sa buhay natin. Marami tayong dinaanan mas ano, mas grabe, mas mahirap, mas magluluha… Huwag kayong matakot at hindi ko kayo iiwanan,” ani Duterte.
Aabot na sa higit 12,000 ang bilang ng namamatay dahil sa COVID-19 sa bansa.
Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority, aabot sa 4-milyong Pilipino ang walang trabaho noong Enero dahil sa pandemya.
Naitala rin ang pinakamalalang pagbagsak ng ekonomiya sa kasaysayan mula noong World War II.
Tinatayang P10.33-trillion ang utang ng pamahalaan, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas.