Umapela si Vice Pres. Leni Robredo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos mabatid na pansamantalang itinigil ng kagawaran ang pamamahagi ng ilang insentibo sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon kay Robredo, posibleng lumabas sa mga lansangan ang dependents ng programa kapag itinigil ng pansamantala ng DSWD ang pagbibigay ng Social Pension sa Indigent Senior Citizens, gayundin ng Unconditional Cash Transfer, at Conditional Cash Transfer.
“Kung ititigil ng DSWD ang pamimigay ng ayuda, mapipilitan ang marami na lumabas para kumita ng pambili ng pagkain, gamot, at iba pa nilang pangangailangan. At hindi mapupunan ang kawalang ito ng ibang programa tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations na muli pang kailangan applyan,” ani Robredo.
Sana raw ay ikonsidera na ahensya ang pagre-release na ng buong halaga ng social safety nets ng dependents para sa isang buwang sakop ng community quarantine.
“Sa halip na itigil ang tulong pinansyal, dapat ding i-release ng DSWD ang buong halaga ng mga social safety nets na ito para sa mga buwan na sakop ng community quarantine masisigurong walang magugutom. Kung mas maagang matatanggap ng ating mga kababayan ang tulong, mas mababawasan natin ang mga taong lumalabas at, sa ganitong paraan, mababawasan din natin ang paglaganap ng COVID-19.”
“Maliban sa mga ayudang ito, nanawagan din kami na dagdagan at irelease ang budget para sa mga programa, tulad ng TUPAD, para sa mga nangangailangan ng kita. Sa mga panahong ito kailangan natin mag isip ng mga agarang solusyon na matutugunan ang pangangailangan ng bawat mamayan at kikitil sa pagkalat ng sakit.”
Sa isang Department Advisory na nilagdaan ni DSWD Sec. Rolando Bautista noong March 13 pinatigil muna nito ang payouts ng mga programa at field surveys dahil sa banta ng COVID-19.
Pero nitong araw nilinaw ni Sec. Bautista na hindi naman tuluyang itinigil ng ahensya ang release dahil matatanggap pa rin daw ng mga benepisyaryo ang kanilang suporta sa pamamagitan ng cash cards.