-- Advertisements --

Nagtagumpay ang isang pangkat ng mga mananaliksik mula sa University of the Philippines Visayas (UPV) sa pag-develop ng low-salt na patis na gawa mula sa tahong o green mussels (Perna viridis).

Ang bagong uri ng patis na ito ay may mas mababang sodium content kumpara sa tradisyunal na mga patis at bagoong, kaya’t makakatulong ito sa pagpapabuti ng kalusugan, lalo na laban sa mga sakit tulad ng hypertension at mga kidney stones.

Ayon sa mga mananaliksik, ang tahong ay isang masustansiyang sangkap dahil sa taglay nitong mga protina, amino acids, zinc, calcium, at iron, na mas mataas ang halaga kumpara sa mga karaniwang gamit sa paggawa ng patis.

Matapos ang mga eksperimento sa fermentation process, nahanap nila ang paraan upang gawing low-sodium at mas masustansiya ang tradisyunal na patis.

Ang proyekto ay isang hakbang din tungo sa mas sustainable na negosyo para sa mga komunidad at makakatulong sa pagpapaunlad ng lokal na aquaculture.

Samantala suportado naman ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) ang naturang proyekto.