Muling tumaas ang bilang ng mga kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa Quezon City, na nagtala ng 421 bagong kaso mula Enero hanggang Mayo ngayong taon, kung saan tumataas ito ng 7.7% kumpara sa parehong panahon noong 2024.
Ayon sa pahayag ng lokal na pamahalaan, ang mga bagong kaso ay nagmula sa ‘Young Key Population’ o mga kabataang edad 15-24, kung saan 35 porsyento (149) ng mga bagong kaso ay kabilang dito, at 40 porsyento sa kanila ay mga mag-aaral.
Dahil dito, ipinahayag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na patuloy ang suporta ng lokal na pamahalaan sa mga pasyente, kabilang ang pagbibigay ng kinakailangang gamot sa mga social hygiene clinics ng lungsod.
Mula Enero hanggang Mayo ng 2025, 21,000 katao ang nagsagawa ng HIV testing, na mas mataas ng 16.7% kumpara noong 2024.
Bilang tugon sa patuloy na pagdami ng mga kaso, magpapalawak ang lungsod ng mga clinics na nag-aalok ng libreng serbisyo tulad ng HIV testing, Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP), Post-Exposure Prophylaxis (PEP), Antiretroviral Therapy (ART), at iba pang serbisyo na may kinalaman sa sexual health.
Samantala, mayroon ding programa ang Klinika Eastwood na tinatawag na “Drive, Park, and Test,” kung saan ang mga kliyente ay maaari nang magpa-test mula sa kanilang mga sasakyan, na nagbibigay ng komportable at pribadong paraan ng pagsusuri sa HIV.