Nagbabala ang Quezon City local government unit (LGU) sa posibleng mabagal na daloy ng trapiko sa kahabaan ng Congressional Avenue matapos pansamantalang isara ang Culiat Bridge kasunod ng naganap na sunog noong gabi ng Sabado, Hulyo 11.
Sa abiso ng QC LGU nitong Linggo, sinabi nitong mananatiling sarado ang tulay habang isinasagawa ng Quezon City Department of Engineering ang structural inspection upang matiyak na ligtas itong magamit bago muling buksan sa publiko.
Ayon sa lokal na pamahalaan, katuwang ng Department of Engineering sa pagsasaayos ng lugar ang Traffic and Transport Management Department (TTMD), Department of Public Order and Safety (DPOS), Task Force Disiplina, at Quezon City Police District (QCPD).
Naglabas din ang LGU ng mga alternatibong ruta para sa mga motorista habang isinasagawa ang inspeksiyon at pagkukumpuni ng tulay.
Para sa mga sasakyang mula Mindanao Avenue patungong EDSA:
- Dumaan sa Congressional Avenue at kumanan sa Oblates Father Street.
- Kumaliwa sa Villa Socorro Street.
- Kumaliwa sa Seminary Road.
- Dumiretso patungong EDSA.
Para sa mga sasakyang mula EDSA patungong Mindanao Avenue:
- Mula Congressional Avenue, kumanan sa Cagayan Street.
- Kumaliwa sa Corregidor Street patungong Ilocos Sur Street.
- Dumiretso sa Mindanao Avenue.
Para sa mga light vehicles:
- Mula Congressional Avenue, kumanan sa Cagayan Street.
- Kumaliwa sa Ilocos Norte Street.
- Kumaliwa sa Cotabato Street.
- Kumaliwa sa Hereford Street.
- Kumanan pabalik sa Congressional Avenue.
Samantala, ang mga sasakyang manggagaling sa Davao Street ay maaari ring dumaan sa Cotabato Street at kumanan sa Hereford Street bago lumabas sa Congressional Avenue.
















