Muling nag-aalok ng libreng online na basic Japanese language classes ang Quezon City public library (QCPL) para sa mga nais matuto ng wikang hapon at kultura nito, ayon kay Mayor Joy Belmonte.
Bahagi ito ng adbokasiya ng lungsod para sa inklusibong edukasyon at patuloy na pagkatuto, na layong palawakin ang kaalaman ng mga mamamayan saan mang panig ng bansa.
Ang kurso ay nakatuon sa mga baguhan at tinatalakay ang grammar, bokabularyo, ekspresyon, at ang pagsusulat ng Hiragana at Katakana. Itinuturo rin ang mga kaugaliang Hapon at etiquette bilang bahagi ng komprehensibong pagkatuto.
Samantala pinangungunahan ang pagbubukas ng klase ng mga bihasang guro mula sa Jellyfish Education Philippines Inc., katuwang ng QCPL mula pa noong 2019.
Bukas ang programa sa lahat ng Pilipino edad 18 pataas, basta may laptop, smartphone o desktop, may malakas na internet, at Zoom account.
Matapos ang matagumpay na pagtatapos ng 172 mag-aaral noong Mayo 22, muling magbubukas ang susunod na klase sa Hunyo 19, 2025.
Libre ang registration para sa nasabing kurso ngunit limitado lamang sa unang 500 na makakapagpatala sa QCPL Facebook page.