-- Advertisements --

Hinimok ng Department of Health (DOH) ang publiko na magpasuri laban sa Human immunodeficiency virus (HIV) sa gitna ng paglobo sa 500% ng naturang sakit sa Pilipinas.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, ang HIV test ay libre at confidential. Mayroon ding available na self-test kits sa mga HIV care facilities sa bansa.

Nagpaalala din ang DOH sa mga sexually-active individuals na ugaliin ang safe sex sa pamamagitan ng pagagamit ng condoms, lubricants at ugaliin ang regular na pagpapa-konsula at pag-inom ng Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP) para sa mga kailangan ito.

Samantala, nagbabala din ang kalihim na sakaling hindi maagapan ang paglaganap ng HIV sa bansa maaari itong lumagpas sa 400,000.

Base sa datos ng DOH, mula Enero hanggang Marso ng 2025, nakapagtala na ng 5,101 na kumpirmadong bagong kaso ng HIV sa bansa. Tumaas ito ng 50% mula sa 3,409 cases na naitala sa parehong panahon noong nakalipas na taon. Ibig sabihin nasa 57 bagong kaso ang naitatala kada araw. Sa kabuuan, mayroon ng 148,831 kaso ng HIV sa buong Pilipinas.

Pabata na rin ang mga nasusuring nagpopositibo sa sakit kung saan pinkabatang bagong na-diagnose na may HIV ay isang 12 anyos mula sa Palawan.

Ayon sa ahensiya, ang sexual contact ang nananatiling pangunahing paraan na naihahawa ang HIV ngayong 2025, subalit ito ay malawakang naihahawa sa mga kalalakihang nakikipagtalik sa mga kapwa lalaki simula noong 2007.

Una rito, iminungkahi na ng DOH na ideklarang National Public Health Emergency ang HIV matapos na manguna ang Pilipinas sa may pinakamataas na bilang ng bagong kaso ng naturang sakit sa Western Pacific Region.