Inabswelto ng korte sa Bulacan ang dalawang environmental activists na sina Jhed Tamano at Jonila Castro matapos katigan ang kanilang mosyon para ibasura ang kasong grave defamation laban sa kanila.
Sa ruling mula sa Plaridel, Bulacan Municipal Trial Court, ibinasura nito ang mga kaso laban sa 2 activists dahil hindi aniya tumutol ang prosekusyon sa mosyong inihain ng dalawang akusado
Base sa records, walang komento o pagtutol na isinumite ang prosekusyon may kinalaman sa motion to quash informations nina Tamano at Castro.
Ayon sa korte, ang tanging inihain ng prosekusyon ay ang “ex-parte motion to admit amended informations”, isang legal request sa korte para payagan ang revised version ng criminal information nang hindi ipinapaalam o nadidinig ang panig ng kabilang partido o mula sa akusado.
Matatandaan, nag-ugat ang kaso laban kina Tamano at Castro matapos silang sampahan ng 70th Infantry Battalion ng perjury charges sa Department of Justice (DOJ).
Subalit kalaunan ibinasura ng DOJ ang kaso at sa halip ay nagsampa ng grave oral defamation charges laban sa dalawa.
Sina Tamano at Castro ay napaulat na nawawala noong Setyembre 2023. Subalit kalaunan ay iniharap sila ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa isang press conference bilang umano’y rebel returnees ilang araw matapos silang mapaulat na nawawala.
Subalit sa naturang press con, sorpresang ibinunyag nina Tamano at Castro na sangkot umano ang militar sa pagdukot sa kanila, bagay na itinanggi naman ng panig ng militar.