-- Advertisements --

Binanatan ni Vice President Leni Robredo ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan ukol sa populasyon ng drug users sa bansa.

Sinabi kasi ng presidente sa isang televised press briefing, na aabot sa 167-million ang bilang ng gumagamit ng iligal na droga sa Pilipinas. Ito ay sa kabila ng 109-million lang na populasyon ng bansa sa pagtatapos ng 2019.

“Noong narinig ko iyon kasi nanonood ako, alam ko na kaagad na mali. Kasi 109 [million] lang iyong population natin, so imposible na 167 million iyong drug users,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio program.

Ayon kay Robredo, dapat maging sensitibo sa datos ang mga opisyal dahil dito rin nagde-depende ang pamahalaan sa mga ipapatupad na polisiya.

Ginunita ng bise presidente ang kanyang pag-upo bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) noong nakaraang taon.

Magugunita na dalawang linggo lang ang itinagal ni Robredo sa pwesto matapos din sibakin ng Malacanang.

“Noong nasa ICAD ako, Ka Ely, sinasabi ko na dahil iyon iyong official numbers, iyon iyong gamitin namin. Iyon iyong gamitin namin, iyong 1.8 [million na number ng drug users], kasi iyon iyong official numbers—iyon iyong nakabase sa datos. Eh kinokontra ako nila nang kinontra. In fact, at one point, si Pangulo yata iyong nagsabi na 7 million. Pero pinapanindigan noong mga kasama ko sa ICAD dati na 4 million talaga. Pinapanindigan nila na 4 million talaga iyong numbers.”

“Dapat iyong—parati kong sinasabi—dapat iyong policy na ginagawa namin, nakabase sa datos.”

Lumalabas daw sa bagong survey ng Dangerous Drugs Board na tila hindi nalayo sa 1.8-million data noong 2016 ang bilang ng drug users sa bansa ngayon.

Kaya naman ipinagtataka rin ng pangalawang pangulo kung bakit hindi nagbago ang bilang sa kabila ng malaking alokasyon ng pamahalaan sa anti-illegal drug response.

“Eh ang dami-dami na nating ginawa, ang dami-dami na nating ginastos for drugs, so sabi ko nga dati sa ICAD, dapat bumaba na iyong 1.8 [million].”

“So sa akin, hindi makakabuti na ini-insist natin iyong numero na hindi siya nakabase sa survey, kasi iyong mga polisiya ng bansa, nakabase dapat sa datos. So paglabas noong—pagsabi pa lang ni Pangulo na 167 million, alam ko na na 1.67 [million] iyon, kasi malapit nga siya, malapit siya doon sa 2016 numbers.”

Una nang nilinaw ni Presidential spokesperson Harry Roque na nagkaroon lang ng pagkakamali sa presentasyon ng datos sa pangulo.

“Typo lang po ‘yun (It was just a typo). It should be 1.67 million.”