-- Advertisements --

Sapat na para kay Vice President Leni Robredo ang maiksing panahon na paninilbihan bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Illegal Drugs (ICAD) para magbigay ng rekomendasyon sa kung paano mapabuti ang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Sagot ito ni Robredo kay Pangulong Rodrigo Duterte na nagsabi noong Biyernes na hindi sapat ang kaunting panahon na pananatili ng bise presidente sa ICAD para makakuha ng “good picture” ng war on drugs.

“Napaka-igsi ng 18 days, pero hindi ko sinayang ang 18 days. From the first hour talagang nagtrabaho ako nang husto,” ani Robredo.

Sa kanyang naging presentation kamakailan para sa kanyang 40-pahinang report, sinabi ni Robredo na bigo ang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Tanging 1 percent lamang kasi aniya sa loob ng tatlong taon ang nabawas sa shabu supply at maging sa drug money.

Duda si Duterte sa report na ito ni Robredo lalo pa at halos tatlong linggo lamang ang itinagal nito sa naturang ahensya.

Samantala, sinabi naman ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Director General Aaron Aquino, hindi actual data mula sa law enforcement agencies ang tala na iprinisinta ni Robredo.

Pero ayon kay Robredo, hindi na niya isinama sa kanyang report ang mga unofficial information.