Suportado ni Vice Pres. Leni Robredo ang imbestigasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense (DND) sa insidente ng pagbangga umano ng isang Chinese fishing vessel sa bangka ng mga Pinoy sa West Philippine Sea.
Ayon kay Robredo, tila pag-atake sa kalayaan ng bansa ang ginawa ng Chinese crew matapos iwan lang ng basta sa gitna ng Reed Bank ang 22 Pinoy na sakay ng binanggang vessel.
Kaugnay nito hinimok ng bise presidente ang publiko na magpakita ng tapang at ipaglaban ang dignidad sa mga ganitong pagkakataon kung saan nasusubok umano ang katatagan ng kalayaan ng bansa.
“Sa ating Araw ng Kasarinlan, magpakita tayo ng tapang at dignidad, lalo na kapag kapakanan at kalayaan ng ating mga mamamayan ang nakasalalay,” ani Robredo.
Nanawagan din ang ikalawang pangulo sa dalawang ahensya na patuloy na tutukan ang kaso at panagutin ang mga responsable sa insidente.
“Buo ang aking suporta sa panawagan ng ating AFP at DND na imbestigahan ang insidenteng ito, at panagutin ang kinauukulan.”