-- Advertisements --

Pinuna ni Vice President Leni Robredo ang paglalagay ng artificial white sand sa Manila bay, dahil umano sa pagiging impraktikal sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19 pandemic.

“Parang napaka-insensitive na gagawin mo iyan sa height ng pandemic, na ang daming nagugutom. Ang daming naghihirap, gagawin mo iyong pag-beautify,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio program.

Hindi ikinatuwa ng pangalawang pangulo ang depensa ni Presidential spokesperson Harry Roque sa proyekto na nagsabing makakatulong ang pagpapaganda ng Manila bay sa mental health ng mga Pilipino ngayong pandemya.

Ani Robredo, kung talagang seryoso ang gobyerno na matugunan ang pangamba ng publiko dahil sa krisis, ay gumawa ito ng paraan para matuldukan ang COVID-19 sa bansa.

“Napakatindi ng… napakatindi ng challenge sa mental health ng mga tao itong nangyayari sa atin ngayon. Pero ang makaka-ease nito, Ka Ely, tapusin na natin iyong pandemya. Gawin natin iyong lahat para bumalik na tayo sa normal.”

Wala naman daw masama sa plano ng gobyerno na pagandahin ang tabing dagat ng Maynila, pero hindi umano praktikal na bigyan ito ng panahon sa gitna ng mga problemang dala ng coronavirus disease.

“Kapag sinabi nating turismo, hindi naman… hindi naman iyon pagpapaganda lang eh. Mas malaking bahagi ng turismo iyong kampante na iyong tao na magbakasyon, iyong kampante na iyong tao na magbisita.”

Ipinaalala ni VP Leni ang nilalaman ng kanyang mga nakaraang rekomendasyon na pangangailangan ng mga teachers na magbabalik-eskwela sa susunod na buwan, tulong sa mahihirap na pamilya at suporta sa mga lokal na negosyo.

“Tapos makikita iyong ganito. 349—349 million [pesos]? 349 million [pesos], o— Dalawa, iyong kay Usec. Antiporda, 349 million [pesos], pero parang may nakita akong DPWH na… sa balita 397 [million pesos], so hindi ko alam kung alin iyong totoo. Pero sabihin na natin, Ka Ely, na almost 400 million [pesos]. Sa 5,000 pesos, ano iyan, mga 80,000 families ang matutulungan mo sa isang buwan.”