Ikinatuwa ni Vice President Leni Robredo ang tila pagtugon umano ng pamahalaan sa ilang punto na kanyang tinawag ng pansin kaugnay ng COVID-19 response.
“Sumulat ako kay Atty. Harry Roque kasi kung naalala mo, noong nagkaroon ako ng isang statement na sinabi ni Attorney Harry Roque na open naman sila sa suggestions,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.
“So iyong lahat na suggestions ko sinulat ko. Natutuwa nga ako, Ka Ely, kasi mayroong mga iba na mukhang kino-consider naman.”
Ilan sa mga pinuna ni VP Leni kamakailan ang “fresh” at “late” new cases na inirereport ng Department of Health. Ayon sa ahensya, simula sa Lunes, July 13, ay balik na sila sa dating istilo ng paguulat sa mga bagong kaso ng sakit.
Iminungkahi rin ng pangalawang pangulo na alisin ang boundary system sa mga jeepney driver, at sa halip ay gawin nalang service contracting para may kita pa rin ang mga tsuper kahit limitado ang pwedeng isakay na pasahero.
“May announcement kahapon si NEDA Director General Karl Chua na ito na yata iyong papairalin. So kahit papaano, mukhang ano naman, nagwo-work.”
Payo na lang ng bise presidente, sana ay magkaroon ng wastong polisiya para sa mga locally stranded indivuduals. Tugon ito ni Robredo sa suspensyon ng paghahatid sa LSIs mula sa ibang bahagi ng Visayas.
Sinuspinde kasi ito ng gobyerno dahil mataas pa ang kaso ng COVID-19 sa ilang bahagi ng rehiyon.
“Okay lang naman hintuin pero mayroon ba silang shelter para sa kanila. Iyong sabi ko sana, Ka Ely, maghanap na ng maraming shelters para sa locally stranded para mayroon silang pinupuntahan.”
Ukol naman sa testing, nanawagan si VP Leni kay Sec. Vince Dizon (Bases Conversion and Development Authority) na isali rin ang LSIs sa sinasabing 10-milyong testing kits na padating ng bansa.
“Sana maisali. Kabahagi din ito ng ating sulat. Sana maisali kasi hindi—lalo silang nagtitiis, hindi lang.”