Kinalampag ni Vice President Leni Robredo ang pamahalaan ukol sa ginagawang responde sa krisis ng COVID-19 pandemic.
Binigyang diin ng pangalawang pangulo na dapat magkaroon ng kongkretong plano habang naghihintay ang buong mundo sa madidiskubreng gamot o bakuna sa sakit.
“Hindi mapipigil ang pandemya kung basta mag-aabang na lang tayo ng bakuna. Kailangang maampat ang pagkalat nito sa lalong madaling panahon,” ani VP Leni sa kanyang video message.
Binigyang diin ng bise presidente ang kahalagahan ng tiyak at mabilis na pangangalap ng mga datos.
Ito raw kasi ang magsisilbing pundasyon ngmga desisyon at polisiya na makakatulong laban sa pagkalat ng sakit.
“Marami nang mga eksperto ang naglabas ng iba’t ibang platform para maging repository ng datos. Ang kailangang gawin, piliin ang pinakamainam dito, at gumawa ng isang ecosystem ng pagtugon kung saan standard ang pagka-sentralisado.”
“Kung mali at buhol-buhol ang pag-input ng data, babagal ang validation; babagal din ang proseso ng decision-making.”
Hinimok din nito ang mga ahensya na isali ang mga unibersidad sa ginagawang validation nang hindi lumulubo ang mga backlog.
“Maraming gustong tumulong, pero may mga pagkukulang sa volunteer management process. Ilista ang mga handang tumulong at ang kanilang kakayahan, at agad na silang iugnay sa mga unit na nangangailangan ng tulong upang ma-maximize ang kakayahang ito.”
Sa usapin naman ng testing, dapat daw unahin ang pagbibigay ng tulong sa mga laboratoryong nagkaka-problema. Magbibigay daan daw ito sa mas madaling contact tracing.
“Siguruhing mabilis ang turnover time ng mga COVID-19 tests. Alamin kung bakit nagkakabacklog, kung saang mga laboratoryo ito nagaganap, at tulungan silang makahabol. Sa ganitong paraan, on-time ding mahahabol ng mga contact tracers ang mga dapat pang i-test.”
Samantala ang mga locally stranded individuals naman, dapat paglaanan ng pasilidad habang naghihintay ng kanilang mga biyahe, nang hindi sila expose sa banta ng impeksyon.
Pinasisiguro rin ni VP Leni na may karampatang atensyon ang pamahalaan sa health care system, partikular na sa mga frontliners na nagsisilbing sundalo laban sa COVID-19.
“Sila ang nasa pinaka mapanganib na situwasyon, at sila rin ang pinakamahalagang sundalo sa laban kontra COVID-19. Natural dapat na pagtuonan ng ibayong pansin ang lahat ng pag-aaruga, lahat ng tulong, lahat ng kasangkapan at serbisyong magagamit nila.”