-- Advertisements --

Nanawagan si Vice Pres. Leni Robredo sa gobyerno, partikular na sa Kongreso na taasan sa susunod na pagdinig ng budget ang alokasyon para sa science and technology.

Ito’y kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na tataasan pa niya sa P50-milyon ang pabuya para sa Pilipinong makakadiskubre ng bakuna o lunas laban sa COVID-19.

“Iyong sa akin, kung mayroon man akong ninanais, ito sanang nangyayari sa atin ngayon maging eye-opener sa pamahalaan—hindi lang sa Executive pero siguro lalo na sa Kongreso—na taasan iyong budget sa science and technology, kasi ito talaga iyong parating napapabayaan,” ani Robredo.

Ayon kay VP Leni, makabubuti kung magi-invest ang pamahalaan sa agham at teknolohiya dahil malinaw na sa gitna ng mga ganitong sakuna lang nabibigyan ng buong pansin ang kahalagahan ng siyensya.

“So iyong sa akin, siyempre parati nating gusto na mayroong… mayroong discovery na manggaling sa atin, pero tingin ko iyong mas hihigit pa diyan, iyong suporta pagkatapos nito. “

Batid ng bise presidente na kulang ang suportang nakukuha ng maraming Pilipinong eksperto at scientists.

“Ngayon—suporta ngayon—saka suporta pagkatapos, kasi ang dami naman nating mahuhusay na mga tao. Ang dami nating mahuhusay na scientists.”

“Sa kasamaang palad, hindi lang talaga enough iyong suporta sa kanila. So siguro ito… ito iyong aral, ito iyong leksyon na dapat makuha natin, kung gaano kaimportante.”

Una nang kinalampag ng ilang Makabayan congressmen ang presidente na imbis na maglabas ng pabuya para sa makakadiskubre ng lunas, ay ilaan na lang ang pondo para sa pagsasaliksik.

“President Duterte giving a P10 million reward for any Filipino who will discover the COVID-19 vaccine yet his administration has not provided enough budget for scientists, researchers and health facilities to adequately face the battle against COVID-19,” ani ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro.

Ngayong 2020, nakatanggap ng higit P20-bilyong budget ang Department of Science and Technology (DOST) sa ilalim ng General Appropriations Act.

Kamakailan naman nang sabihin ng Department of Budget and Management na may halos P200-bilyong unreleased appropriation mula sa fiscal year 2019-2020 na pwedeng gamitin laban sa COVID-19.

Ang DOST ay kabilang daw sa mga nabigyan sa P5.182-bilyong cash allocation.