Kinalampag ni Vice President Leni Robredo ang pamahalaan para tutukan ang kasalukuyang krisis na dulot ng COVID-19 sa bansa, imbis na bigyang prayoridad ang panukalang charter change.
Reaksyon ito ni VP Leni sa panawagan ng League of the Municipalities of the Philippines na amiyendahan na ang Konstitusyon.
“Dapat ‘yung parati natin ditong target, ang tinututukan natin ngayon, lahat ng makakatulong para mahinto na itong COVID transmission dito sa atin,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.
“Iyong gagastusin natin sa Change change sana gastusin na lang natin sa testing kits, gastusin natin sa hospital.”
Ayon sa LMP, dapat nang palitan ang probisyon ng Saligang Batas para mabigyan ng karagdagang kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan.
Nais din nilang taasan ang kanilang internal revenue allotment ng LGUs, at luwagan ang restrictions sa foreing investments.
Napabalitang isinumite ni Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis “Chavit” Singson sa Department of Interior and Local Government ang resolusyon ngayong araw.
Ani Robredo, maaari namang pagusapan ang charter change kapag natapos na ang pandemic.
Bukod sa Cha-cha, hindi rin nakaligtas sa puna ng pangalawang pangulo ang aniya’y hindi naman nakatulong na prayoridad ng gobyerno sa pandemic.
“Ang dami nating pinagkakaabalahan Anti-Terror (Law), pagpasara ng ABS-CBN, na hindi naman sumasagot sa pagpahinto ng COVID.”