-- Advertisements --

Tila balik bad boy muli si Senador Robin Padilla matapos ikasa ang kanyang advance screening ng pelikulang ”Bad Boy 3” sa isang mall sa Cubao, Quezon City noong Huwebes ng gabi, ilang oras lamang matapos makilahok sa kontrobersyal na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinangunahan ng kampo ni Senate President Alan Peter Cayetano.

Kasama ni Padilla sa naturang pagdinig sina Senadora Pia Cayetano, Senador Rodante Marcoleta, at Senadora Imee Marcos, kung saan tinalakay ang mga alegasyon kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.

Bago magsimula ang pagdinig, naging usap-usapan ang umano’y tensyon sa pagitan ni Padilla at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla matapos ang naiulat na komosyon sa pagpasok sa Senado. Gayunpaman, nilinaw ng magkabilang panig na walang katotohanan ang mga lumabas na espekulasyon at sinabi ni Padilla na maayos ang kanyang relasyon kay Remulla.

Pagkatapos ng mga kaganapan sa Senado, dumiretso si Padilla sa screening ng Bad Boy 3, ang pinakabagong installment ng pelikulang nagbigay sa kanya ng bansag na “Bad Boy of Philippine Movies” noong dekada ‘90.

Pagdating sa venue, agad niyang hinanap at niyakap ang kanyang asawang si Mariel Rodriguez-Padilla.

Sa panayam ng media, inamin ni Padilla na mas masaya siya sa mundo ng showbiz kaysa sa politika.

“Sa totoo lang po, mas masaya po sa showbiz kaysa politika. Malayong-malayo po. Iba ang ligaya sa shooting,” ani Padilla.

Ayon sa senador, mas mabigat ang responsibilidad sa politika dahil dala nito ang mga suliranin ng bayan, samantalang ang showbiz ay nakapagbibigay ng saya at aliw sa mga tao.

Ibinahagi rin niya na nakikita niyang maaaring ipamana sa kanyang pamangkin na si Daniel Padilla ang titulong “Bad Boy,” at posible umanong makatambal nito si Kaila Estrada sa mga susunod na proyekto.

Dagdag pa ni Padilla, matagal na sanang nagawa ang ikatlong yugto ng Bad Boy ngunit naudlot dahil mas pinagtuunan niya ng pansin ang politika matapos manalo si dating pangulong Rodrigo Duterte sa pagkapangulo noong 2016.