Muling isinailalim sa “scale down” o pagbabawas ng trabaho ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) dahil sa panibagong kaso ng COVID-19 na naitala sa ilang empleyado na kailangang i-quarantine.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nagdulot ito para lumobo muli ang testing backlog na hawak ng RITM.
“Unang-una nagkaroon ulit ng pag-quarantine ng mga tao ang RITM dahil nagkaroon na naman ng positive case sa kanila. So they had to do contact tracing and some of these employees na gumagawa sa lab ay na-quarantine sila,” ani Vergeire sa isang online media forum.
Bukod sa mga empleyado at staff na naka-quarantine, nakaapekto rin daw sa ginagawang testing ng pasilidad ang pagkasira ng dalawang makina na ginagamit sa COVID-19 testing.
Bigla rin umanong bumuhos ang bilang ng mga samples na isinusumite sa kanila.
“Mayroon talagang increased submission of specimen ngayon dahil alam natin may surge ng mga kaso, tumataas ang mga kaso.”
Sa ngayon ang remedyo ng Department of Health (DOH) sa sitwasyon ay ang pagpapadala ng backlogged specimen sa mga kalapit na laboratoryo.
Pero nilinaw ni Vergeire na patuloy pa ring tatanggap ng specimen ang RITM mula sa mga government hospitals.
“We are now coordinating with the Philippine Red Cross para ‘yung backlog na iba maipakiusap natin sa kanila.”
Kamakailan nang aminin ng DOH na sumipa muli sa higit 12,000 ang bilang ng testing backlog sa mga laboratoryo sa bansa.