KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pananambang ng armadong grupo sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao na nagresulta sa pagkamatay ng isa at pagkasugat naman ng 3 iba pa.

Kinilala ang nasawi na si Usop Radjak habang ang mga sugatan ay sina Pagal Abdullah, Tutin Saban at Mustapa Abdullah na pawang mga residente ng nabanggit na lugar.

Ayon kay PMaj. Rommel Dela Vega, hepe ng Datu Odin Sinsuat PNP, galing sa isang pagtitipon ang mga biktima ngunit pagsapit nila sa Lower Capiton ay pinagbabaril ang mga ito ng armadong kalalakihan.

Dinala pa sa pinakamalapit na ospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival si Usop.

Rido o family feud naman ang tinitingnang motibo ng mga otoridad sa pananambang.

-- Advertisement --

Narekober naman sa crime scene ang tatlong motorsiklo, isang payong payong, isang short firearm, isang magazine, hand held radio at belt bag na naglalaman ng mga bala.