Dapat libre ang pamimigay ng face mask at face shield ngayong nasa gitna ng COVID-19 pandemic ang bansa, ayon kay Sen. Ramon “Bong” Revilla.
Apela ito ng senador sa Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) sa gitna ng patuloy na tumataas na bilang ng mga kaso ng sakit.
Ayon kay Revilla, makakatulong sa mga walang pambili ng face mask o face shield kung magiging inisyatibo ng pamahalaan ang pamamahagi nito.
“Marami sa ating mga kababayan ang nanggigitata na ang face mask pero ginagamit pa rin dahil sa kawalan ng pambili,” sa isang statement.
“Kaya para makasiguro tayo na hindi tayo magkahawa-hawa ay ang gobyerno na mismo ang mamahagi ng face mask at face shield.”
Para sa senador, dapat atasan ng national government ang local government units sa pagpapatupad ng panukala.
Nitong araw nang kumpirmahin ni Presidential spokesperson Harry Roque ang pakikipagpulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gabinete nito ukol sa apela ng health care workers na ibalik sa mas mahigpit na quarantine ang Metro Manila.