Maaari nang ipagpatuloy ng Department of Justice (DoJ) ang automatic review kaugnay sa drug case na isinampa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa umano’y Chinese drug lord at 16 na iba pa na nasangkot sa sinasabing smuggling ng P1.8 billion na halaga ng iligal na droga.
Una rito, ilang ulit na isinalang sa preliminary investigation ang kaso na hinawakan ng panel of prosecutors sa pamumuno ni Senior Assistant State Prosecutor Clarisa Kuong at mga miyembro naman sina Assistant State Prosecutors Rodan Parocha at Noel Antay Jr.
Pinangalanan ng PDEA at ng DoJ ang mga respondents sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sina Xu Zhi Jian alias Jacky Co, Dong An Dong, Julie Hao Gamboa, Fe Tamayosa, Alvin Bautista, Jane Abello Castillo, Carlo Dale T. Zueta;l, Abraham G. Torecampo, Arwin P. Caparros, Leonardo S. Sucaldito, Mark Leo D. Magpayo, Brian Pabilona, Meldy Sayson, Rhea Tolosa,
Edgardo Dominado, Jerry Siguenza at Debbie Joy Aceron.
Nabatid na ang mga respondents ay mga officers at directors ng Wealth Lotus Empire Corporation at Fortuneyield Cargo Services Corporation na siyang nag-facilitate o nagproseso ng shipment sa Bureau of Customs (BoC).
Magugunitang nasabat ng mga tauhan ng BoC ang shabu shipment na isinilid o itinago sa plastic resin na pinadaan sa Manila International Container Port (MICP) noong March 22 noong nakaraang taon, dahil naman sa tulong o tip ng mga Vietnamese authorities na darating sa bansa ang naturang kontrabando.
Matapos ang serye ng mga preliminary hearings ay na-dismis ang nasabing kaso at nilagdaan ang resolusyon noong December 17, 2019.
Gayunman ay hindi pa raw masasabing libre na sa batas o malaya na ang mga akusado dahil batay sa isang kautusan o department order ay inaatasan ang sinumang nakaupong justice secretary na obligadong isalang sa automatic review ng Office of the Secretary ang ano mang drug case na naibasura.
Ipinaliwanag naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na makailang ulit na naantala ang automatic review sa naturang kaso dahil sa epekto ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic lalo pa at ilang beses ding sumailalaim sa lockdown at disinfection ang gusali ng DoJ at skeletal force o iilang empleyado lamang ang pinayagan na pumasok sa trabaho noong disinfection at lockdown period.
Samantala, muling nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kogresista o sa mababang kapulungan ng kongreso sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) na magpasa ng batas para maibalik ang death penalty law sa pamamagitan ng lethal injection para sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga.