-- Advertisements --

ayungin1

Tiniyak ni National Security Adviser Sec Hermogenes Esperon na itutuloy pa rin ang resupply mission sa Ayungin shoal sa West Philippine Sea, matapos na itaboy ng Chinese Coast Guard ang unang pagtatangka na magdala ng pagkain sa mga tropa ng Pilipinas na nagbabantay doon.

Mariing kinondena ni Esperon ang panibagong insidente ng pangha-harass ng China sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ayon kay Esperon, maghahatid lang ng pagkain ang dalawang bangkang Unaiza Mae 1 at 3 sa mga sundalo na naka-istasyon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong Nobyembre 16, nang harangin ng tatling malalaking barko ng Chinese Coast Guard, at ginamitan ng water cannon para itaboy.

Dahil dito, napilitan na lang na bumalik sa Palawan ang dalawang bangka.

Ayon kay Esperon, naghain na ang Pilipinas ng diplomatic protest sa China sa pamamagitan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin.

Sinabi pa ni Esperon na babalik sa Ayungin Shoal ang mga magdadala ng supply, at naka-standby ang Phil. Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para ipatupad ang batas ng Pilipinas sa karagatang sakop ng EEZ ng bansa.

Sinasabing agresibo ang China sa pagpapakalat ng mas maraming pwersa.

Maliban kasi sa Ayungin ay may 45 barko ng China ang nakapwesto naman sa Pag-asa island na dating mas mababa lang sa 20 ang bilang.

Sa ngayon, nasa Palawan na ang dalawang mission boat ng Pilipinas na nakaranas ng harrassment.