-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Inihirit ng Department of Health (DOH)-Bicol for Health Development sa Philippine Genome Center (PGC) ang mabilis na paglalabas ng resulta sa mga ipinadalang samples ng 11 tripulante na positibo sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) at lulan ng tug boat na nakaangkla pa sa karagatang sakop ng Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa DOH Bicol COVID-19 program coordinator na si Dr. Lulu Santiago, ipinadala na sa PGC ang mga kinuhang samples upang matukoy kung may ibang variants ng COVID-19 ang mga tripulante.

Maliban pa rito, muling isasailalim sa swab test ang mga tripulante sa ika-pitong araw mula nang dumating sa municipal waters ng Sto. Domingo sa lalawigan.

Umaasa naman si Santiago na agad na mailalabas ang mga resulta ng samples mula sa PGC para sa kaukulang aksyon lalo pa’t usaping panseguridad ng mga kababayan ang nakasalalay.

Kung maaalala, nagmula sa Indonesia ang tug boat at barge na pansamantalang tumigil sa Butuan City subalit nasa dagat na nang makuha ang resultang positibo sa COVID-19.

Tumuloy pa rin ito sa Albay upang idiskarga ang coal na idi-deliver sa isang cement company sa lalawigan.