Inanunsiyo ngayon ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente na ipatutupad na nila ang restricted entry sa mga foreign nationals sa bansa simula sa Marso 22, araw ng Linggo.

Ang hakbang ng Immigration bureau ay dahil na rin sa inilabas na Foreign Service Circular ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagsususpindi sa pag-isyu ng visa at visa-free privileges para sa mga foreign nationals na dadating dito sa Pilipinas.

Ito ay dahil na rin sa State of Calamity na ngayon ay nakataas sa buong bansa dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) at ang declaration ng public health emergency.

Ayon kay Morente, lahat daw ng issuance para sa entry visas ng mga visa-required foreign nationals ay sinuspindi ng DFA, habang kanselado naman ang mga bagong isyu lamang na visa.

Pero exempted naman sa suspension ang mga banyagang asawa at anak na bumibiyaheng may kasamang Filipino national.

Exempted din ang mga foreign crew members maging ang mga foreign government at international organization officials na accredited dito sa Pilipinas.

Sa ngayon, nasa 157 na bansa ang mayroong visa free privileges.

Kabilang dito ang South Korea, United States of America, Canada, Japan at Singapore.

Ang South Korea naman ang top arrival dito sa bansa na nagkaroon ng 2.1 million noong nakaraang taon.