-- Advertisements --

Naghain ng resolusyon si Senador Robinhood Padilla na humihiling ng separate voting o magkahiwalay na pagboto ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa pag-amyenda sa Konstitusyon.

Sa pamamagitan ng Resolution of Both Houses 7, nais ni Padilla na amyendahan ang Section 1 ng Article XVII sa Konstitusyon upang magkahiwalay na bumoto ang Kamara at Senado sa pag-apruba ng mga pagbabago sa Saligang Batas.

Sa isang pahayag, sinabi ni Padilla, na namumuno sa Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, na ang resolusyon ay naglalayong wakasan ang matagal nang isyu kung ang Senado at Kamara ay dapat bang bumoto nang hiwalay o magkasama sa pag-amyenda sa 1987 Constitution.

Inihain ng senador ang resolusyon sa gitna ng nagpapatuloy na hidwaan sa pagitan ng Senado at Kamara dahil sa pagsusulong ng people’s initiative na layong magkasamang bumoto ang dalawang kongreso sa pag-apruba ng mga pagbabago sa 1987 Constitution sa pamamagitan ng three-fourths vote.

Nangangamba ang mga senador na ang pamamaraan ay maglalagay sa kanila sa isang hindi paborableng posisyon dahil ang Senado ay mayroon lamang 24 na miyembro kumpara sa mahigit 300 miyembro ng Kamara, na nangangahulugan na ang mga senador ay madaling ma-outvote.