Pinagtibay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang isang resolusyon na nagpapahayag ng pakikidalamhati at pagsuporta nito sa mga residente at gobyerno ng Morocco na niyanig ng malakas na lindol kamakailan.
Ang House Resolution (HR) No. 1277 na pinatibay sa sesyon kahapon at ang mga may akda ay nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales Jr., Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Minority Leader Marcelino Libanan, Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander Marcos, at Tingog Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre.
Batay sa ulat ng United States Geological Survey, sinabi ng mga may-akda sa resolusyon na niyanig ng magnitude 6.8 na lindol ang Morocco, ang pinakamapanganib na lindol mula noong 1960 at ang pinakamalakas sa rehiyon mula noong 1900.
Ang epicenter ng lindol ay naitala 72 kilometro sa timog kanluran ng siyudad ng Marrakech sa High Atlas mountain range.
Ayon sa resolusyon, batay sa ulat ng World Health Organization (WHO mahigit 300,000 ang naapektuhan ng lindol at nasa 2,100 ang nasawi, 2,421 ang nasugatan kung saan 1,400 ang nasa kritikal na kondisyon.
Ayon sa mga may-akda agad na umaksyon ang gobyerno ng Morocco upang mahanap at mailigtas ang mga apektadong residente nito at nagdeklara ng tatlong araw na national mourning.
Bibigyan ng Kamara ng kopya ng HR 1277 ang embahada ng Morocco sa Maynila.