Pinagtibay ng House of Representatives ang isang resolusyon na nagpapahayag ng pagdadalmati at pakikiramay sa pagpanaw ni Secretary Maria Susana “Toots” V. Ople ng Department of Migrant Workers (DMW).
Ang House Resolution 1226 ay pinagtibay sa sesyon ng plenaryo nitong Martes sa pamamagitan ng voice voting.
Sa resolusyon ay kinilala ang mga nagawa ni Ople na pangulo at founder ng Blas F. Ople Policy Center and Training Center, isang non-profit organization na nagtataguyod sa kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Si Ople ay pumanaw noong Agosto 22 sa edad na 61. Naulila nito ang kanyang anak na si Susanne Laurie.
Maaalala umano ang dating kalihim bilang isang advocate na lumalaban sa mga illegal recruiter at maaalala umano ang mga nagawa nitong pagtataguyod sa kapakanan ng mga OFW at buong labor industry ng bansa.
Si Ople ang unang kalihim ng DMW na nagbigay-daan upang maitaguyod nito ang adbokasiya ng kanyang ama na si dating Senate President at Labor Secretary Blas Ople na kinikilala bilang Father of Overseas Employment sa Pilipinas at Philippine Labor Code.
Maraming posisyong hinawakan si Ople sa gobyerno bago ito naitalagang kalihim ng DMW.
Si Ople ay nabigyan ng iba’t ibang parangal gaya ng Dangal ng Lipi Award mula sa Provincial Government ng Bulacan noong 2013, Manuel L. Quezon Gawad Parangal Award mula sa Quezon City Government noong 2014, Bravo Award for Social Services mula sa Zonta Club of Makati noong 2017, at Anvil of Appreciation Award from the Public Relations Society of the Philippines noong 2018 dahil sa kaniyang ginawa para sa mga uring manggagawa.
Nakakuha rin ng pagkilala si Ople sa ibang bansa gaya ng Josephine Vernon Award for Excellence in Communications noong 2009 at naging kauna-unahang Pilipino na nakatanggap ng Harvard Kennedy School Alumni Achievement Award noong 2010, Trafficking in Persons Award mula sa US State Department noong 2013, at naging unang Pilipino na naging miyembro ng Board of Trustees ng United Nations Voluntary Trust Fund to Assist Victims of Human Trafficking.
Ang resolusyon ay akda nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales, Majority Leader Jose “Mannix” Dalipe, Minority Leader Marcelino Libanan, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre.