CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi pa rin ligtas sa kamay ng batas ang dalawang matataas na opisyal ng Philippine Military Academy (PMA) na nagbitiw matapos maitala ang kaso ng pagkamatay umano dahil sa hazing ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.
Ito ang kinumpirma at tiniyak sa Bombo Radyo ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na nagsabing mananagot pa rin sina dating PMA Supt. Lt. Gen. Ronnie Evangelista at B/Gen. Bartolome Vicente Bacarro na Commandant of Cadets, sa ilalim ng isinusulong nitong resolusyon sa Kamara.
Pinaiimbestigahan kasi ni Rodriguez sa mga kapwa mambabatas ang insidenteng lumutang sa PMA kamakailan hinggil sa pagkamatay ni Dormitorio at iba pang pinaghihinalaang kaso ng hazing.
Una ng sinabi ng pulisya na hindi nito masasampahan ng kasong kriminal sina Evangelista at Bacarro.
Nitong Lunes nang sampahan ng patung-patong na kaso ng pamilya Dormitorio ang pitong kadete ng PMA, kasama ang dalawang tactical officers at hospital officials kaugnay ng insidente.