Hinimok ni Elmer Felix Pornel ang Commission on Elections (COMELEC) na agad aksyunan ang kaniyang inihaing disqualification case laban sa kandidatura ni Fernando Cabredo.
Sina Pornel at Cabredo ay kapwa tumatakbong kongresista para sa ikatlong distrito ng Albay.
Giit ng petitioner, hindi nakompleto ni Cabredo ang one year residency requirements, kaya inihain niya ang kaso sa Comelec main office.
Sinasabing Hulyo 3, 2018 lang daw naideklara nito ang paninirahan sa Tuburan, Ligao City sa nasabing probinsya.
Para kay Pornel, hindi niya inihain ang reklamo dahil sa malakas ang kalaban, kundi bahagi ito ng batas na dapat sundin.
Aniya, kung aalisin sa “picture” ang aniya’y backer ni Cabredo na si Rep. Fernando Gonzales, patas lang silang dalawa bilang kandidato.
Maliban kina Cabredo at Pornel, kandidato rin bilang kongresista sina Reno Lim at Mario Marcos.