-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nilinaw ng pamunuan ng Rescue 531 ng Alicia, Isabela na walang katotohanan ang kumalat na isang video sa social media na umano’y nakahagip ng motorista ang kanilang ambulansya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bryan Mayoralgo, head ng Rescue 531 ng Alicia, Isabela kanyang nilinaw na walang katotohanan ang paratang ni Orly Cureg na siya ring nagpost ng naturang video sa kanyang social media account.

Aniya, nakatanggap sila ng tawag at pinarerespondehan sa Paddad, Alicia, Isabela ang isang pasyenteng naghihingalo at nawalan ng malay.

Habang papunta sa barangay Paddad ay hinarang nina Cureg ang ambulansya ng Rescue 531 at sinasabing sila ay nahagip ng ambulansya.

Kinukuwestiyon ng nagrereklamong motorista ang kawalan ng wang-wang ng ambulansya at kung bakit nagmamadali ang tsuper kahit walang sakay na pasyente.

Pinipilit umano ni Cureg at mga kasamahan nito na pababain ang driver ng ambulansya habang may dala-dalang mga tubo.

Dahil sa insidente ay hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang naghihingalong pasyente.

Sa kabila ng insidente ay mananatiling bukas ang kanilang tanggapan para sa mga reklamo upang mas lalo pang mapaganda ang kanilang serbisyo.