Umapela si Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda sa liderato ng Kamara na ipag-utos ang agarang aksyon sa House Bill No. 7578, o ang PhilHealth Reform Act.
Ito ay matapos na aprubahan ng Senate Committee on Health, na pinamumunuan ni Sen. Bong Go, ang Senate Bill No. 1829 kamakailan.
Sinabi ni Salceda na pagkakataon na ito para aksyunan ng Kamara ang panukalang reporma sa PhilHealth upang ipakita na rin ang commitment ng kapulungan sa transparency at accountability.
Sa isang komprehensibong pag-aaral na inilabas kamakailan ni Salceda, tinukoy nito na ang pinaka-dahilan kung bakit mayroong problema sa pondo ang PhilHealth ay dahil sa “lack of financial expertise” sa top management nito.
Kaya naman inirerekomenda nila sa nakahaing panukala ang pag-amiyenda sa charter ng PhilHealth para gawing chairman ng board ang Secretary of Finance.
Nagpahayag naman ng kanyang kahandaan si Salceda para makipagtulungan sa mother committee na House Committee on Health at maging chairman ng technical working groupt na babalangkas sa draft ng final version ng panukala bilang siya ay dating financial analyst at investment banker.
Ilan sa mga key features ng kasalukuyang bersyon ng House Bill No. 7578 ay ang reporma sa governance stucture ng PhilHealth, gawing mas progresibo ang contribution scheme, gawing fund manager ng invesment reserve fund ang Bureau of Treasuery, pagbuo ng national health database para sa lahat ng claims at benefits, at pagkakaroon ng independent audit ng state health insurer.