-- Advertisements --

Nasa 22 Pilipino na mula sa Israel ang nagpahayag na nais nang umuwi ng bansa sa gitna ng gulo doon, bunsod ng pag-atake ng Palestinian militant group na Hamas.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Foreign Affairs Usec Eduardo de Vega na mula sa bilang na ito, walo dito ay mapapabilang sa unang batch ng mga Pilipino na mapapauwi na sa bansa, simula October 16.

Ayon sa opisyal, ang mga Pilipinong ito ay uuwi sa bansa hindi dahil naging biktima sila ng gulo, bagkus ay dahil sa economic reasons, tulad ng pagkawala ng trabaho.

Sinabi ni De Vega, bibilisan ng pamahalaan ang pagpapauwi sa lahat ng mga Pilipinong nais nang bumalik sa bansa.

Samantala, umakyat na rin sa 92 ang bilang ng mga Pilipino sa Gaza ang nais nang umuwi ng bansa.

Nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan, sa diplomatic partners nito, para sa pagbubukas ng humanitarian corridor, upang makalabas na ang mga Pilipino mula sa Gaza.