-- Advertisements --

Sinisikap ngayon ng National Task Force COVID-19 na mapauwi na ang ilang libong stranded OFWs na nananatili sa iba’t ibang quarantine facilities sa National Capital Region.

Ayon kay chief implementer Carlito Galvez na pumalo na sa mahigit 23,000 OFWs ang kasalukuyang sumasailalim sa 14-day quarantine.

Ito aniya ang dahilan kung bakit pansamantalang sinuspinde ng pamahalaan ang mga inbound flights sa bansa sa loob ng isang linggo, na tatagal ng Mayo 8.

Kaya mahalaga ayon kay Galvez na ang mga OFWs dumaan na sa 14-day quarantine period at negatibo sa COVID-19 ay mapauwi na sa kanikanilang mga lugar para ma-accomodate naman ang nasa 44,000 pang OFWs na inaashang darating ngayong Mayo hanggang Hunyo.

Viral ngayon sa social media ang video ng ilang repatriated OFWs na nananatili sa quarantine facility sa Pasay City na umaapela kay Pangulong Rodrigo Duterte na payagan na silang makauwi sa kanikanilang bahay.

April 20 anila nang dumating sila sa Pilipinas mula sa iba’t ibang bansa at pinangakuang makakauwi noon pang Mayo 4 pero hanggang sa ngayon ay hindi pa rin sila naaasikaso.

Hindi pa rin kasi anila sila dumadaan sa COVID-19 test kaya wala pa rin ang hinihintay nilang certificate para mapayagang makauwi.

Sinabi naman ni Galvez na sinisikap nilang masolusyunan ang hinaing ng mga stranded OFWs sa lalong madaling panahon.