Humingi nang paumanhin si Marinduque Representative Lord Allan Velasco kay Pangulong Rodrigo Duterte at taongbayan dahil sa kaguluhan tungkol sa speakership issue sa House of Representatives.
Sa kaniyang video message sa social media sinabi ni Velasco na hindi dapat nagkakagulo ang mga halal na opisyal sa nasabing posisyon at dapat pagtuunan nila nag pagsilbi ng bayan.
Naging nakakahiya na aniya ang nagaganap na hidwaan sa speakership sa mababang kapulungan ng kongreso.
Umapela rin ito kay Speaker Allan Peter Cayetano na sundin ang naipangako nito sa pangulo na term-sharing kaya dapat tapusin na niya ang budget at bumaba sa puwesto hanggang Oktubre 14.
Mahalaga aniya na masunod ang palabra de honor.
Magugunitang noong 2019 ay mismong is Pangulong Duterte ang nangasiwa sa term-sharing ng dalawa kung saan magsisilbi bilang Speaker of the House si Cayetano ng 15 buwan sa 18th Congress habang si Velasco ay uupo bilang speaker sa natitirang 21 buwan.
Samantala, sa biglaan namang pangyayari tinanggal si 1-Pacman party-list Rep. Mikee Romero bilang deputy speaker ng Kamara.
Naganap ito ilang oras matapos na tumayo sa plenaryo ng Kamara si Capiz Rep. Fredenil Castro para hamunin ang mga House leaders na kaalyado ni Rep. Velasco na bakantehin ang kanilang puwesto.
Si Camiguin Rep. Xavier Jesus Romualdo ang nagmosyon na ipalit si Castro sa posisyon na hawak ni Romero.
Walang tumutol dito kaya naaprubahan ang naturang mosyon.
Magugunita na kabilang si Romero sa mga kongresistang isinama ni Velasco nang magtungo sila sa Malacañang pati ang kampo ni Speaker Cayetano para makipagpulong kay Pangulong Duterte.
Sa naturang pulong, napag-usapan din na walang rigodon na mangyayari sa iba pang posisyon bukod sa speakership post.
Ayon kay PBA party-list Rep. Jericho Nograles, pag-atake sa party-list coalition ang pagtanggal kay Romero bilang Deputy Speaker ng Kamara.
Si Romero ang presidente ng party-list coalition sa Kamara. (with report from Bombo Dave Vincent Pasit)