Iminumungkahi ni House Deputy Majority Leader Janette Garin na ang mga sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) hubs ay gamitin bilang student dormitories.
Sa plenary deliberations ng 2025 General Approriations Bill (GAB) nuong Miyerkules, binanggit ni Garin ang problemang kinakaharap ngayon ng mga estudyante lalo at mataas ang presyo sa pag rent ng dormitories.
Binigyang-diin ni Garin na ang isa sa pinaka malaking hamon na gastusin ng isang estudyante ay ‘yung boarding house, dormitory lalo at ito pinapatakbo ng pribadong sektor.
“At the appropriate time, Madam Speaker, it’s not applicable all over the country, but for Region 3, napakaganda talaga na ‘yung mga POGO hub, na mga scam hub na na-discover ay makuha ng gobyerno at gawing extension campuses as well as dormitories ng ating karapat-dapat na estudyante,” pahayag ni Garin.
Sinang-ayunan naman ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang naging suhestiyon ni Rep. Garin.
Tinukoy ng Iloilo lawmaker ang isang pag-aaral na may titulong ” Enhancing Access and Success in SUCs,” kung saan nabanggit ang kakulangan ng pinansiyal ang isa sa pinaka malaking problema ng mga etudyante.
Si Garin ang sponsor ng Commission on Higher Education para sa kanilang 2025 General Appropriations Bill.
Ipinunto ng mambabatas na ang panukalang 2025 budget para sa CHED ay hindi lamang basta expenditure kundi isang investment sa hinaharap ng bansa.
“It is an investment in the future of our nation, and every peso allocated to higher education yields a return in the form of educated, skilled, and empowered citizens who will contribute to the country’s economic growth and social troubles,” wika ni Rep. Garin.
Samantala, target naman ng Kamara na ipasa ang 2025 GAB sa third and final reading sa September 25.
Nagsimula ang plenary debates nuong September 16.