-- Advertisements --

Naniniwala si Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, na ang hindi pagsipot sa pagdinig ng House Committee on Justice sa kabila ng pagkakataong ibinigay ay katumbas ng pagbalewala o “waiver” sa karapatang sumagot sa mga alegasyon ng impeachment.

Ito ay kaugnay ng usapin ng due process sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte

Paliwanag ng mambabatas, ang esensya ng due process ay ang pagbibigay ng pagkakataong mapakinggan (opportunity to be heard) at hindi nakadepende kung gagamitin ba ito ng respondent o hindi.

Nilinaw din ni Flores na ang pag-iisyu ng subpoena ay hindi para pilitin ang panig ng Bise Presidente, kundi upang makakuha ng mahahalagang impormasyon mula sa mga indibidwal na makatutulong sa kaso.

Kabilang sa mga pinadalhan ng subpoena ay si Atty. Michael Poa at ilang opisyal mula sa Commission on Audit (COA) matapos imungkahi ng mga miyembro ng komite, kabilang si Congressman Antonio Tinio, na kailangan ang kanilang testimonya para sa ginagawang pagsusuri sa reklamo.

Sa kabila nito, patuloy na kinuwestiyon ng kampo ni Duterte ang legalidad ng proseso sa labas ng komite habang piniling hindi dumalo sa mga nakaraang pagdinig.