-- Advertisements --

Pinuna ni Akbayan Party-list Representative Percival “Percy” Cendaña, ang umano’y kakulangan ng pondo para sa mga pangunahing serbisyo, sa panukalang 2027 national budget, dahilan upang tumutol siya sa panukala.

Ito ay matapos maaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang P7.2-trilyong piso, sa pambansang budget para sa taong 2027, sa botong 281 ang pumabor, habang 13 naman ang tumutol, at isang abstain noong Oktubre a-dose.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni Cendaña na umaasa siyang maibabalik ng proseso ng pagbuo ng budget ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan, matapos ang mga kontrobersiya sa nakaraang pambansang budget, kabilang ang mga flood control project anomalies.

Kabilang naman sa mga tinukoy niya ang dagdag budget sana sa EDSA Bus Carousel na walang inilaan na pondo sa orihinal na National Expenditure Program, bago nabigyan ng P75 milion pesos sa Kongreso. Ayon kay Cendaña, higit bilyon umano ang kailangan upang maayos na mapatakbo ang programa at pampublikong transportasyon.

Sa Service Contracting Program naman, P500 million pesos lamang umano ang inilaan, kumpara sa P5 billion pesos na hiniling upang matulungan ang mga commuter, tsuper, at operator sa gitna ng mataas na presyo ng langis.

Pinuna rin niya ang pagbabawas sa pondo para sa pagtatayo ng mga silid-aralan sa kabila ng kakulangan ng classroom sa bansa, gayundin ang aniya’y limitadong pondong inilaan sa PhilHealth.

Giit ni Cendaña, hindi matatawag na tunay na “people’s budget” ang panukala kung hindi sapat ang pondong nakalaan sa transportasyon, edukasyon, at kalusugan.

Bukod sa kakulangan ng pondo para sa mga pangunahing serbisyo, pinuna rin ni Cendaña ang kawalan umano ng malinaw na pamantayan sa paglalaan ng ilang pondo sa ilalim ng panukalang 2027 national budget.

Partikular na tinukoy ni Cendaña ang Local Government Support Fund, na naglalaan ng pondo para sa mga local government unit.

Ayon sa mambabatas, hindi pa malinaw kung ano ang mga pamantayang gagamitin sa pamamahagi ng pondo sa mga LGU.

Dahil umano papalapit na ang 2028 elections, nagpahayag siya ng pangamba kung maaari itong magamit upang palakasin ang mga kandidatong susuportahan ng administrasyon.

Giit niya, dapat ang mga kaukulang executive agency ang magpasya sa paggamit ng mga pondong ito, dahil mas alam ng mga ito ang mga prayoridad at tamang pagpapatupad ng mga proyekto.