-- Advertisements --

Binatikos ni AKBAYAN PARTYLIST REP Perci Cendaña ang mga pahayag ni SEN. Robin Padilla kaugnay ng pag-alis ni SEN. Ronald dela Rosa sa Senado, at sinabing tila naging “pag-amin” umano ito sa halip na depensa sa isyu ng umano’y pagtulong sa senador.

Ayon kay Rep. Cendaña, taliwas umano ang naging pahayag ni Padilla matapos nitong amining nakasabay ni Dela Rosa sa kanyang sasakyan nang umalis sila sa Senado noong nakaraang linggo. Giit niya, mahirap sabihing walang naging pagtulong kung mismong pag-alis umano ng senador ay kanyang hinikayat at pinasakay pa sa kanyang sasakyan.

Dagdag pa ng Akbayan lawmaker, maaaring magkaroon ng mga legal na implikasyon ang naturang aksyon, kabilang ang posibleng paglabag sa mga probisyong may kaugnayan sa obstruction of justice. Hinikayat din niya ang mga law enforcement agency na imbestigahan ang naging papel ni Padilla at alamin kung may pananagutan itong dapat harapin.

Binanggit din ni Cendaña ang posibilidad ng paglabag sa mga probisyon ng Rome Statute na may kaugnayan sa pagharang sa pagpapatupad ng hustisya, kasunod ng mga ulat na nais ipatupad ng mga awtoridad ang warrant laban kay Dela Rosa.

Kasabay nito, nanawagan siya ng mas pinaigting na paghahanap kay Dela Rosa at iginiit na hindi dapat maging kanlungan ang bansa para sa mga taong umiiwas umano sa pananagutan. Pinuna rin niya ang umano’y pagprotekta ng ilang opisyal sa senador, at sinabing dapat manaig ang hustisya at pananagutan. (Report by Bombo Jai)