Binuweltahan ni Quezon City Rep. Kit Belmonte si Sen. Bong Go dahil sa pagmamaliit nito sa report ni Vice President Leni Robredo sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Sinabi ni Belmonte, secretary-general ng Liberal Party, na tama si Go nang sabihin nito na hindi masasawata ang problema sa iligal na droga sa pamamagitan ng mga pahayag lamang, pero hindi rin aniya ito mareresolba sa pamamagitan ng walang habas na patayan.
Ito aniya ang dahilan kung bakit nagbigay ng kongkretong rekomendasyon sa kung paano maresolba ang problema sa iligal na droga.
Sa kanyang report, inirekominda ni Robredo ang pag-target sa mga big-time suppliers, pagsuporta sa drug prevention, rehabilitation at reintegration programs, at huwag nang ituloy pa ang Oplan Tokhang.
Pero ayon kay Go, dapat ang publiko ang karapatdapat na maghatol sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Dagdag pa nito, may mali ata sa standards ni Robredo kaya binigyan nito ng 1 over 100 ang score ng drug war ng Duterte administration.
Pero para kay Belmonte, kailanman ay hindi mababaligtad ng mga salita lamang ang katotohanan hinggil sa drug war.