-- Advertisements --

Muling magkakalaban sa boxing ring para sa super featherweight title ang Pinoy na si Charly Suarez at Mexicano na si Emanuel Navarrete matapos ipag-utos ng World Boxing Organization (WBO) ang agarang rematch ng dalawa.

Ito ay matapos bawiin ng California State Athletic Commission (CSAC) ang kontrobersiyal na pagkapanalo ni Navarrete.

Nauna ng idineklarang panalo si Navarrete via technical unanimous decision sa ika-8 round ng laban kontra sa Pinoy boxer noong Mayo 10 sa Pechanga Arena sa San Diego, California matapos itigil ang laban dahil hindi na umano maipagpatuloy ni Navarrete ang laban matapos magtamo ng malaking hiwa sa itaas ng kaniyang kaliwang kilay na inisyal na idineklara ng referee na sanhi ng accidental headbutt.

Bago kasi itigil ang laban, lamang sa scorecards ang Mexican boxer dahilan kayat idineklara siyang panalo.

Subalit, nakita sa replays ng laban na ang natamong sugat ng mexicanong boksingero ay mula sa malinis na suntok na pinakawalan ng kaliwang kamao ng Pinoy boxer sa ikaanim na round ng laban.

Kaugnay nito, bumoto unanimously ang komisyon na namahala sa title fight, na baliktarin ang panalo ni Navarrete bilang “no contest” kasunod ng ginawang review sa laban.

Bilang resulta, nananatiling undefeated ang Pinoy boxer na may malinis na rekord na 18 panalo kung saan 10 dito ay naipanalo niya via knockouts.