Nangako si Task Force Bangon Marawi (TFBM) chairman Secretary Eduardo del Rosario na tatapusin ang rehabilitation ng mga imprastratura sa Marawi City bago pa man matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ginawa ito ni Del Rosario, na siyang chairman din ng National Housing Authority (NHA), matapos na kalampagin ni Pangulong Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) kahapon ang task force para bilisan ang rehabilitation sa natatanging Islamic city sa bansa.
Sa ngayon, nasa 70 hanggang 75 percent nang tapos ang overall rehabilitation works sa Marawi City, ayon kay Del Rosario.
Pagsapit aniya ng Disyembre, karamihan sa mga proyekto sa lungsod ay kumpleto na alinsunod sa master development plan.
Buwan-buwan kung bisitahin ni Del Rosario ang ongoing rehabilitation works sa Marawi City smula nang gumulong ng full blast ang construction ng mga imprastraktura doon noong Hulyo 2020.
Noong nakaraang linggo lang, binisita ng kanilang chief ang lungsod para pangunahan ang awarding ng 170 pang permanent shelters sa mga pamilya ng mga internally displaced persons.
Ilang residente na rin ng Sectors 1 hanggang 3 sa loob ng most affected area ang nakabalik na sa kanilang mga bahay noon pang Agosto ng nakaraang taon kasunod nang pagkakabit ulit ng linya ng kuryente sa lugar.