KALIBO, Aklan – Itinuturing ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation and Management Group (BIARMG) na naging matagumpay ang isinagawang rehabilitasyon sa Isla ng Boracay.
Ito ay matapos nga winakasan na nang Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources ang rehabilitasyon at pamamahala sa Boracay.
Kasunod ito ng halos apat na taon na malawakang rehabilitasyon sa pinaka-sikat na tourist destination sa bansa.
Nabatid na ipinasa na ni DENR Acting Secretary at BIATF Chairman Jim Sampulna ang pamamahala sa isla sa lokal na pamahalaan ng Malay at Aklan.
Aminado si Sampulna na malaking hamon para sa LGU-Malay at provincial government ng Aklan na mapanatili ang kalinisan s isla lalo na ang pagdisiplina sa mga residente nito at mga pumapasok na turista.
Binuo ang BIATF, kung saan vice-chairman ang Department of Tourism at Department of the Interior and Local Government ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Executive Order No. 53 noong May 8, 2018.
Magtatapos sana ang termino ng task force noong 2020, subalit ito ay pinalawig ni Pangulong Duterte hanggang May 8, 2021 sa ipinalabas na EO 115 noong May 11, 2020 at muling pinalawig hanggang June 30, 2022 sa bisa ng EO 148 kasunod sa pagtapos ng termino ng pangulo.
Nabatid na binansagang cesspool ni Duterte ang Boracay dahilan na noong April 26, 2018, pansamantala itong isinarado sa publiko bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na ma-rehabilitate at ma-redevelop ang isla sa loob ng anim na buwan.