-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Sonny Matula, presidente ng Federation of Free Workers (FFW), na walang hurisdiksiyon ang mga regular na korte sa usapin ng pasahod matapos itong dumaan sa konsultasyon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).

Ito ay kasunod ng inilabas na temporary restraining order (TRO) ng Pasig Regional Trial Court (RTC) laban sa P85 na dagdag sa minimum wage sa Metro Manila.

Ayon kay Matula, labis na dismayado ang kanilang grupo sa desisyon ng Pasig RTC dahil matagal nang naghihintay ang mga manggagawa sa umento sa sahod.

Giit niya, malinaw sa Article 126 ng Labor Code of the Philippines na ang RTWPB lamang ang may kapangyarihan sa pagdedesisyon hinggil sa pasahod at hindi dapat pinakikialaman ng mga regular na korte.

Dagdag pa ni Matula, nararapat lamang na idepensa ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Pasig RTC ang pagpapatupad ng P85 na dagdag sa arawang sahod sa Metro Manila upang matiyak na makikinabang ang mga manggagawa sa itinakdang umento.