Inirekominda ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez sa Department of Education (DepEd) na ikonsidera ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa mga lugar na may low-risk COVID-19 infection, at iyong may limitadong digital capacity.

Bagama’t suportado niya ang hakbang ng DepEd sa pagkakaroon ng flexible learning system, iginiit ni Alvarez na hindi lahat ay may access sa internet at may kakayahang bumili ng gadgets.

Mayroon din aniyang mga pamilya na kahit radyo o telebisyon man lang ay wala ring kakayahan na makabili para gamitin sa distance learning.

Bukod dito, maging ang mga guro ay hindi rin aniya handa sa sistemang ninanais ng DepEd.

“If we do not adopt an area-specific solution to the problems that we presently face, a more promising future for our students will tragically be part of COVID-19’s collateral damage,” ani Alvarez.

Kasabay nito ay hinimok ng dating lider ng Kamara ang publiko na tulungan siya sa pagkumbinsi sa pamahalaan na ikonsidera ang dating sistema sa pag-aaral sa piling lugar.