Isinusulong ng siyam na kongresista na ituring bilang krimen ang red-tagging.
Sa ilalim ng inihain nilang House Bill No. 9437, sinabi ng mga mambabatas na ito na nilalabag ng red-tagging ang karapatan ng publiko na magpahayag pati na rin ang pagkakaroon ng political belief na libre sa anumang pangungutya.
Dapat gawing krimen anila ang red-tagging sapagkat ginagawa ito gamit ang pondo ng banyan, bukod pa sa mayroon din itong “injurious irreversible impact” sa mga biktima.
Partikular na tinukoy nina Bayan Muna Reps. Carlos Zarate, Eufemia Cullamat, at Ferdinand Gaite; Albay Rep. Edcel Lagman; Quezon City Rep. Jose Christopher Belmonte; La Union Rep. Pablo Ortega; Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas; Act Teachers Rep. France Castro; at Kabataan Rep. Sarah Jane Elago ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) na anila’y “chief implementor” ng polisiya ng red-tagging.
Sinabi ng mga mambabatas na ilang beses nang nasangkot sa red-tagging activities ang NTF-Elcac laban sa mga kritiko ng pamahalaan.
Sa ilalim ng panukala, nakasaad na maituturing red-tagging ang isang aktibidad kung pinaparatangan ang isang indibidwal, grupo, o organisasyon bilang kalaban ng pamahalaan, subversives, armed rebels, komunista o terorista, o fronts na iniuugnay sa rebelyon o terorismo.