Pormal ng nanumpa sa tungkulin sina Acting Executive Secretary Ralph G. Recto at Acting Finance Secretary Frederick D. Go sa harap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules sa Study Room ng Malacañang Palace.
Isinagawa ang panunumpa isang araw matapos ianunsyo ng Palasyo ang kanilang mga bagong posisyon.
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ipinakita nina Recto at Go ang matibay na track record sa paggawa ng polisiya, pamamahala, at pagpapatupad ng mga programang pang-ekonomiya
Sinabi ni Castro na ang malawak na karanasan ni Recto sa economic policy-making, fiscal legislation, at national planning ang dahilan kung bakit siya angkop na mangasiwa sa operasyon ng pamahalaan at magtimon sa pagpapatupad ng mga malalaking programa.
Nagsilbi na si Recto bilang Finance Secretary, miyembro ng Monetary Board, at Socioeconomic Planning Secretary/NEDA Director-General noong 2008.
Samantala, si Go, na dating Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs, ay kinilala sa kanyang papel sa pagpapalago ng pamumuhunan, pagpapalakas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan, at pag-uugnay sa mga economic initiatives ng iba’t ibang ahensya. Siya na ngayon ang mangangasiwa sa direksyong piskal ng bansa at sa pagpapatupad ng economic agenda ng administrasyon.
Bago pumasok sa gobyerno, hawak ni Go ang ilang pangunahing posisyon sa pribadong sektor, kabilang ang pagiging President at CEO ng Robinsons Land Corporation, Chairman ng RL Commercial REIT, Inc., at Chairman/Vice Chairman ng LIPAD Corp.
Ayon kay Castro, ipinapakita ng mga pagbabagong ito ang hangarin ng Pangulo na patatagin ang mga institusyon, pagbutihin ang koordinasyon sa pamahalaan, at tiyaking nakatuon ang administrasyon sa pagbibigay ng katatagan, oportunidad, at seguridad para sa mga Pilipino.










