-- Advertisements --

Asahan daw ng publiko na tataas pa ang bilang ng mga recoveries at deaths ng COVID-19 sa bansa, dahil sa patuloy na pagkalap ng ahensya ng datos mula sa mga local government units.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, dahil sa malawakang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga LGUs ay may direktang access na rin sila sa mga impormasyon at pangyayari
sa kani-kanilang lugar.

“Mula po noong sinimulan nating pagtibayin ang pakikipagtulungan sa mga LGU upang isaayos at i-update ang ating datos, doon na po natin nasimulang makita ang mga impormasyon na wala sa ating talaan.”

“Doon din po tayo nagsimulang magdagdag sa ating talaan ng mga recoveries na nasa record ng LGUs ngunit wala sa official count ng DOH.”

Nitong araw nang i-report ng ahensya ang 2,009 new recoveries na sumasalamin sa case bulletin kahapon, July 12.

“Ang updates na ito ay naka-depende sa reports na isinusumite ng LGUs, maari din itong bumaba. Ang ating data collection team ay magsasagawa ng data reconciliation every week so maaaring may mga araw na hindi kasing taas ng nai-report natin today ang number of recovered cases.”

DEATH CASES

Mula naman sa mababang bilang nang naire-report na death cases, nag-ulat ang DOH kanina ng 162 na bagong namatay.

“Malaki po ang nakita nating pagtaas kumpara sa mga iniuulat natin nitong mga nakaraang araw at linggo, ngunit nakita po natin ito as an expected result of our data harmonization efforts with our LGUs.”

Nahahati ang total ng new death cases sa 51 na namatay ngayong buwan, 90 noong Hunyo, 20 ang galing noong Mayo, at isa ang nadagdag pero namatay noon pang Abril.

Malaking porsyento naman mula sa mga bagong inireport na namatay sa COVID-19 ang galing sa Central Visayas, Metro Manila, at Central Luzon.

Sa kabila nito, nilinaw ni Vergeire na patuloy ang pagbaba ng trend sa bilang ng mga namamatay sa bansa dahil sa COVID-19.

“Magandang balita po na napapabuti na natin ang pagkolekta ng tama at mabilis na data mula sa mga laboratory, ospital, at LGU, para agad tayong makaka-aksyon sa mga makikita nating trends.”