-- Advertisements --

Tinukuran ni Misamis Oriental Rep. Christian Unabia ang ginawang paglipat umano ng P1.23 bilyong confidential funds ng mga civilian agency sa ilalim ng 2024 national budget patungo sa mga ahensya na nangangalaga ng seguridad ng bansa.

Naniniwala si Unabia na tama ang ginawang paglipat ng Kamara de Representantes sa naturang pondo dahil sa umiinit na tensyon sa West Philippine Sea (WPS).

Binigyang-diin ni Unabia na walang masama sa ginawa ng Kamara sa pag realign sa confidential funds.

Kamakailan ay nagdesisyon ang Kamara na ilipat ang confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), Department of Education (DepEd), Department of Agriculture (DA), Department of Foreign Affairs (DFA), at Department of Information and Communications Technology (DICT) na nasa ilalim ng panukalang 2024 national budget.

Napunta ang bahagi ng pondo sa National Intelligence Coordinating Agency (P300 milyon); National Security Council (P100 milyon); Philippine Coast Guard (P200 milyon); at Department of Transportation (P351 milyon) na aayos sa airport ng Pag-asa Island na nasa WPS.