-- Advertisements --

Muling iginiit ng Department of Health (DOH) na hindi maituturing na final at valid ang resultang lalabas gamit ang mga rapid antibody test kits para sa COVID-19.

Ito’y kasunod ng desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-angkat ng nasabing test kits para makatulong sa hakbang ng gobyerno kontra pagkalat ng virus.

“I will take the risk. I will order the Health Department and everybody. In the meantime, the private sector is doing it. Maybe we can take over someday or do it all together with your help. I am clearing the way by ordering the purchase,” ani Duterte.

Naniniwala ang presidente na maaari na ring gamitin ng Pilipinas ang nasabing test kits dahil aprubado ito ng Food and Drug Administration sa Estados Unidos.

Paliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kahit gumamit ng rapid antibody test kit ang isang suspected case ay dapat pa ring sumailalim ito sa test gamit ang RT-PCR kits.

“Ang rapid antibody test kits ay hindi stand alone test. Kailangan pa rin itong i-validate at i-confirm ng RT-PCR test.”

“Ang paggamit ng mga rapid antibody tests, ay maaaring mag-resulta sa false negative results. Ang ibig sabihin nito ay kahit negative ang lumabas na resulta sa rapid test kit, maaaring positibo pa rin ang pasyente sa COVID-19.”

Dagdag pa ng opisyal, hindi maaaring bilhin o basta gamitin lang ng isang tao ang mga rapid antibody test kits.

“Tanging mga lisensyadong mga doktor lang ang dapat mag-reseta o mag-interpret nitong rapid test kits, hindi ito pwedeng bilhin over the counter, hindi makakabili ito sa botika; hindi rin dapat na pag nagkaroon ng resulta nito ay sino na lang ang mag-interpret.”

“Dapat may lisensyadong doktor na magbibigay ng paliwanag kung anong resulta at implikasyon ng resulta.”

Ang Office of the Civil Defense ang siyang nakatoka sa procurement o pagbili ng rapid antibody test kits.